Saturday, January 25, 2014

JO BISUNA: MANGGAGAWANG PANGKULTURA, GURO, INA


Iskrip ng Parangal kay Jocelyn Alarcon Bisuna (1957-2011)
Sa Panulat at Direksyon ni Buboy Aguay


Ang entablado  kaliwang gilid ay ang mukha ni Jo at sa kabila naman ay isang bakanteng tela na pipintahan ng mga naimbitang mga mangagawang sining-biswal. May LCD projector sa kaliwang ibabang bahagi ng entablado para sa mga multimidyang pagtatanghal.

UNANG BAHAGI: SI JO BILANG GURO

Musikang malumanay na likha ni Ira, sasabayan ng malikhaing sayaw ni Mar at tula ni Buboy.

TAGSIBOL
( Tula ni Buboy, Malikhaing Galaw ni Mar)

Buboy
Ina ang nagpapasiya ng binhing inilalagak sa sinapupunan.
Anak ang nagtatakda ng kanyang pagluwal sa mundong ito.

Tulad ni Jo
Iniluwal siyang walang hudyat
Walang paghihintay
Walang paghihirap
Dahil iniluwal siyang bigla
Sa isang malakas na hilab
Habang ang kanyang ina
Ay naglalakad sa sala
ng kanilang bahay
Sa isang iglap
Napaupo ang kanyang ina
At tila isang himalang lumabas
Ang sanggol na babae sa sahig
Ng kanilang bahay.

Iniluwal siya sa gitna nating lahat
Bilang isang guro
Tagapanday ng isipan
Huwaran ng lipunan
Iniluwal siyang nagturo
Sa kanyang mga ka-guro
At mga estudyante
Ng isang leksyon ng buhay
Na lumaya ang sarili
Magpalaya ng iba
Nang lumaya ang buong bayan.

Mensahe mula kay Bonifacio “Boni” Ilagan

Voiced Over: Vince: Sino ang Teatro Budyong kay Jo?

Pangkulturang Bilang ng Teatro Budyong

Mensahe ng Kasamahang Guro sa LACO

Mensahe ng Estudyante sa LACO

Mensahe mula sa ACT Teachers Partylist


WALANG KAHALILI ANG MAAAMONG SALITA
( Tula ni Buboy, Malikhaing Galaw ni Mar)

Buboy
Sa lipunang pinagsamantalahan
Ang paarala’y may pagsasamantala rin
May udyok ng kompetisyon
May hamon ng dibisyon
May makauring pananaw
Ngunit hindi ang silid- aralang
Hinabi niya ng maaamong salita
Mga matang may tanong sa kawalan
Ng laman ng tiyan
Ng tatay na manggagawa
Ng magulang na magsasaka
Ng bayang pahinante
Ng sariling bansa
Ng bansang inaagaw ng ibang bansa
Ang lahat ng pagmumulat
Ay maamo ring pag-uulat
Ng tunay na kalagayan ng lipunan
Kung ano ang uri at kung sino ang api
Kung bakit may mahirap
At paanong may patuloy na api
Dahil aniya’y ang lipunan ay may-aral
Ang totoong paaralan ay ang karanasan
Ang matuwid na aklat ay ang kasaysayan ng bayan
At walang tama’t maling sagot na minamarkahan
Dahil ang totoong pagkatuto ay nasa pagsusuri
Ang walang pagsusuri ay walang karapatang magsalita
At iya’y mga binhing kanyang naitanim
Sa maaamong mga salita.
Dahil walang kahalili ang maamong salita.

Mensahe ng Probinsiya (iba pang tagapagsalita mula sa probinsya)

Voiced Over: Vince: Paglalagom ng pagiging guro ni Jo.

IKALAWANG BAHAGI: SI JO BILANG ISANG MANGGAGAWANG PANGKULTURA

Mensahe ng ARTIST, Inc. via SKYPE (video na ito mula kala Rica)

Mensahe ng Kabulig at mga alay na tula

Mensahe ng Bugkos at pangkulturang bilang ng Bugkos

Mensahe ng Kaboronyogan at
mga alay na bilang ng Kaboronyogan (Huling kanta: Martsa ng Manggagawang Pangkultura)
  
Voiced Over: Vince: Paglalagom ng buhay ni Jo bilang manggagawang pangkultura
  
IKATLONG BAHAGI: SI JO BILANG ISANG INA, ANAK AT KAPATID
  
Mensahe ni Lola Adela

Mensahe  ng kapatid ni Jimbo

UNEP Choir: Bahay at Anak (3 Awit)

Mensahe ni Nika

Mensahe ni Ira


Awit: Gisi An Bado ko (Sonny Bance)
Isang bilang na alay sa pamilya ni Jo

Habang nangyayari ito ay inilalagay isa-isa ang mga simbolo ng pakikibaka ni Jo sa Kanser

KAY NANAY SA GITNA NG UNOS
( Tula ni Buboy, Malikhaing Galaw ni Mar)

Tutulaang muli kita ngayon
Gaya nang kung paano kahapon
At noong nakaraang tagsibol
Noong matalim ang mga dahat
 habang binabagtas natin
Ang mga sukal ng lungsod at mga gubat.
Kahit na naging heringilya ang mga talahib.

Tutulaang muli kita ngayon
Gaya nang kung paano kahapon
At noong may paso ang tag araw
Noong ginintuan ang mga butil ng palay
Gaano man kaunti ang natitirang butil
Sa hapag ng mga magbubukid
Kahit na naging mga tableta’t kapsula
Ang mga butil na nagdurugtong ng hininga.

Tutulaang muli kita ngayon
Gaya ng kahapon
At noong nakaraang taglagas
Noong napipigtal ang mga dahon ng gubat
Sinasamantala ng panahon ang karupukan
Ng mga tangkay o ang paghinog ng anak
Kahit na napakahaba ng mga napipigtal na pahina
Sa kalendaryo ng nalalagas na balat sa dibdib
Sa kalendaryo ng nilalanggas na balat sa dibdib.

Tutulaang muli kita ngayon
Gaya ng kung paano kahapon
At noong nakaraang taglamig
Noong may lambing ang umaga ng Disyembre
At ang haplos ng tubig-batis ay nagpapakilig
Sa kalamnang matikas at matatag na bisig
Kahit na ang panginginig, daing, sakit ay
Ay tila kakambal ng hininga at nanggagaling sa sarili.

Tutulaang muli kita ngayon
Higit kailanpaman
Dahil naniniwala akong may hele ng duyan
Ang tula ng isang kaibigan
May tapik sa balikat at may mariing tangan
Ang mga bantas at taludturan
Higit sa lahat unawa ko ang tigib mong pagsakit
Na hindi nila kailanman makikita sa mga pelikula
Ng xray kung paano ka umiral at nagwagi
Sa mga araw at gabing walay ang anak
Kinukumusta ang masa sa mga tanaw
Hinahaplos ang unan  sa mga nalagas na kasama
At kung paano ka nakibaka kahapon
Kaya naririnig mong tinutulaan pa kita ngayon.

Tutulaang muli kita ngayon
Bukas at sa mga daratal pang araw
Dahil hindi nauubos ang pamumulaklak ng salita
Sa isang kaibigan, kasama at sa isang Nanay na katulad mo.

Mensahe ng Rehiyon

 Voiced Over: Vince: Paglalagom ng buhay ni Jo bilang isang ina.

IKAAPAT NA BAHAGI: ANG IDEOLOHIYA NI JO AT PAKIKIBAKA SA KANSER

(Eerie Music: Alleluia)

Ipapakita ang isang video clip na kumakanta si Jo at si Mar naman may malikhaing galaw ng pagkanta, pagtuturo, pakikibaka at pagsusulat. May apat na militar na nakapalibot sa kanya at may kani-kanyang adlib tungkol sa panggigipit at pananakot.

Mensahe ni Dr. Ira Bisuna.

Pagpapalabas ng mga video clips  at mga litrato ng buhay ni Jo hanggang sa kanyang pagkakasakit.

Awit: Ira “Paalam”

Isasayaw ni Mar ang pag-aalis ng talukbong sa hospital bed na nasa entablado at mula roon ay hihilahin niya ang pulang tela samantalang ang buong pamilya at malapit na kaibigan ni Jo ay umaakyat ng entablado at hahawak sa telang ibibigay ni Mar. Magpapatuloy si Mar sa pagsayaw pababa sa entablado at patuloy na umiikot sa mga manonood upang iaabot ang pulang tela. Nangyayari ito habang patuloy ang tula ni Buboy.

ANG KABAONG KO’Y PALAMUTI LAMANG
( Tula ni Buboy, Malikhaing Galaw ni Mar)

Buboy
Kung sa pagmamahal magmumula
Kaya’t bangkay koy ihulid ninyo
Sa malambot na himlayan
Salamat mga anak
Sa pag-aalalang naromroman ninyo
Ang Nanay lalo na sa gabing
Kubli ang buwan at aandap andap ang mga tala
Pasensya na’t nabulabog ang inyong himbing.

Kung sikapin ninyong may salamin itong kaban
At silip nyo ang mukha kong nahihimlay
Baka masinop ring maaninag
Ang ngiti kong tila huwad
Pasensiya na’t nanigas na ang kalamnan
Itono na lamang ang isipan sa nakaraan
Kung kailan sariwa ang yakap at ngiti
Usapan at salosalo, pagpuna’t
Pag-aaral,pakikibaka’t pakikipamuhay
Ako’y umaasang didiligin ninyo
Ang mga binhing aking itinanim.

Kung sikapin ninyo mga kaibigan at kasama
Katuwang sa pagpanday yaong pangarap
Nating lipunang malaya
Sa pagbuhat ng aking kabaong
Ay bumigat sa inyong braso’t
Tila ako’y may hirap pang inaalay
Pasensiya na’t ang bigat ko’y
Bumagsak na’t di ko na maitukod itong lakas
Ito’y hindi pahimakas manapa’y paalala
Buong lakas, buong tatag, buong buhay
Ako’y laging nakibaka.

Kung sa hantungan ko’y masikap nyo
Na ilagak  sa marmol man o sa bato
Walang tutol kong tatanggapin
Itong parangal na habilin
Ngunit higit kong tagubilin
Binhi ng paglayang aking itinanim
Dahil sa lipunang ito’y hindi lahat pinapalad
Na mahimlay ng tahimik at maalayan ng bulaklak
Higit na mainam mahanap nyo ang libingan
Ng marami sa ating walang habas na pinaslang
Sa kanilang mga puntod o kinatay na laman
May binhi rin at may aral ng pagkilos sa lipunan

Diligin nyo’t magpatuloy sa pagsilbi
Sa masang tanging bayani
May bukang liwayway na sa bundok ay ngingiti
Pulang pulang bulaklak ang titingkad sa binhi
Pitasin nyo ang isang tangkay at ialay sa sarili
Huwag sa aking pumanaw na’t iniwan na ang sarili
Pagka’t itong kabaong ko’y isa lamang palamuti.

Walang talo sa masang pinagsisilbihang walang humpay
Maging itong bangkay ay bantayog ng tagumpay.
  
 Awit: Tumindig Ka  old kabo
Sa pangunguna ng Kaboronyogan ay kakantahin ang Sumulong ka o Kabataan at Ang Masa na nasa militanteng stance ang lahat.



WAKAS

KABORONYOGAN THROUGH THE YEARS

DEKADA 80

1985, Kaboronyogan Cultural Network is founded

1988, kinilala ang Kaboronyogan ng BUGKOS  bilang sentrong pangkultura ng rehiyon sa pamumuno ni Jocelyn A. Bisuna.

1989, Regional Cultural Summit

DEKADA 90

1989-1995, naglunsad ng palihan sa Radio Broadcasting, Scriptwriting, Rural Broadcasting, Music Composition at Kilos-Galaw

1990, Peace Concert kasama si Joey Ayala

1990,Pagtatanghal ng "An Krus ni Juan de La Cruz, Banwaan an Mapagian" sa panulat at direksyon ni Jo Bisuna,ginanap sa Naga City

1991,Pagtatanghal ng "An Krus ni Juan de La Cruz, Banwaan an Mapagian" sa panulat at direksyon ni Jo Bisuna,ginanap sa Daet, Camarines Norte

1992,Pagtatanghal ng "An Krus ni Juan de La Cruz, Banwaan an Mapagian" sa panulat at direksyon ni Jo Bisuna,ginanap sa Calabanga, Camarines Sur at Naga City

1992, dumalo ang Kaboronyogan sa Solidarity Cultural Exchange kasama ang Teatro Hagurumaza na nakapagtanghal sa 26 na lugar sa Japan kasa si Jo Bisuna sa papel na Ate Mayeng.

1996, Kaboronyogan participated in Lusong Theater Festival, UP Diliman, Los Banos Laguna. Kab mounted SIMEON A. OLA as Bikol's official entry to the Second National Theater Festival, January 11-18, 1996, Cultural Center of the Philippines

DEKADA 2000

2003, Kaboronyogan created a regional staff to organize cultural groups in the different sectors

2003 December, Nagbigay ang Kaboronyogan ng pitong araw na palihan sa teatro, Panitikan, Sining-Biswal at Musika na siyang nagbigay daan sa pagkakatatag ng Sibol Kabataan sa komunidad ng BUCAF, Magpinta--isang grupo ng sining-biswal sa Albay,Maskara--grupo ng mga kabataang mang-aawit at nagbabanda sa BU, Kopras--grupong pangkultura sa mga magsasaka ng Sorsogon at Karatula--na binubuo naman ng mga kabataan sa Sorsogon

2004 Abril,Pagtatanghal ng kilos-galaw ng "Kalbaryo ng Anakpawis" na binubuo ng 25 na tauhan at naitanghal ito sa 12 lugar mula Cam. Norte, Cam. Sur, Albay at Sorsogon

2004, Kaboronyogan sent a scholar ( Buboy Aguay)  for the Sanaysing Pandulaan by Artist, Inc. in cooperation with NCCA

2004, Kaboronyogan participated in Southern Luzon Theater Assembly

2007 May, Pagtatanghal ng Pinoy Big Problem --isang sarkastiko at satirikong pagtatanghal

2007 September 21, pinangunahan ng Kaboronyogan ang pagbubuo ng KAIBA-KA (kapisanan ng mga Artistabpara sa Katarungan at Kapayapaan at kaalinsabay nito ang pagtatanghal ng "Sining Pamukaw" na isang konsyerto-paranal sa mga bayaning Bikolano.

2007, nakiisa ang Kaboronyogan sa UMALPAS KA kampanya laban sa mapaminsalang pagmimina sa Rapu-Rapu, Albay at iba pang lugar sa rehyun

2007 November 16, pakikiisa ng Kaboronyogan sa Kilusang Mayo Uno sa paglunsad ng Gabi ng Parangal sa mga Martir na Kilusang Paggawa

2008 December 8-11,kasama ang  Kaboronyoga nsa Konsyerto Alay sa Inag Kalikasan para sa Kaligtasan at Konserbasyon nito at para sa Karapatan ng Tao sa Likas-yaman ng Kalikasan tampok si LOlita Carbon, Tanikala, Sibol Kabataan at mga banda na umikot sa Naga City, Iriga City, Legazpi City at Sorsogon City

2009 naitatag sa tulong ng Kaboronyogan ang Salimpusa--grupong pangkultura ng mga kabataan sa Cam. Sur at ang Irayana ng Ateneo de Naga

2009 Abril 1-7, Kasabay ang Kaboronyogan ang Women's Movement Against Balikatan, Youth Against Balikatan,Salimpusa at Bicol Alliance Against Balikatan kung saan nabuo ang isang pagtatanghal na may pamagat na "Kalbaryong Balikatan, Pasakit sa Banwaan" na umikot sa 25 na matataong lugar sa Cam. Sur, Albay at Sorsogon.



DEKADA 2010

2010 Enero 30,idinaos ng Kaboronyogan ang "Sarabatan" isang pasasalamat sa paglaan ni Jo Bisuna ng mahigit 22 taon sa gawaing pangkultura

2010 May 6, inilunsad ng Kaboronyogan ang "Konsyerto sa Pagbabago" sa Legazpi City na dinaluhan ng 18 grupo at higit sa 146 na mga artista.

2011 Nov. 5, Pagpanaw ng dakilang puno ng Kaboronyogan, Jocelyn A. Bisuna

2011 Nov. 11, Parangal kay Jo "JO BISUNA: MANGGAGAWANG PANGKULTURA, GURO, INA"

2013, (Sept. 14-15), Kab sent Buboy Aguay to attend Dap-ayan sa Lusong, theater Conference. Buboy read a paper on Kaboronyogan's sustainability.


2013, (Oct. 18), Kab rendered a multimedia cultural number to the Forum Pork and Sins by the Scrap the Posrk Movement with Sonny Africa of IBON Foundation as resource speaker.

2013 (Nov. 13-14) Kab Chair Buboy Aguay attended the NCCA NCDA Election at Raddison Hotel, Cebu City. Jazmin Llana(Bicol) is NCDA Chair; Eric Divinagracia(Visayas) is the Vice Chair; and the Secretary is Alma Aguja(Mindanao).

(Note: Please feel free to add more data for Kab. Tnx.)

ISANG MULTIMIDYANG PAGTATANGHAL-SCRAP THE PORK FORUM

Ginanap sa NCF Auditorium kaugnay sa pakikilahok ng Kaboronyogan at AKKSYON sa Forum na Pork and Sins, Oct.18, 2013

Iskrip ng Pagtatanghal ng Kaboronyogan

Sa pagbubukas ng ilaw makikita si Myke na may hawak na gitara at si Dada sa gawing kaliwa ng entablado. Si Buboy naman ay may pasang berdeng tela sa kaliwang hagdan at si Mar ay may tali sa baywang ng pulang tela.

Musika: Bayan Ko ni Freddie Aguilar
Gitara: Myke Ocbian
Awit: Daryl Aguilar

Ang bayan kong Pilipinas
lupain ng ginto't bulaklak
Pag-ibig ang sa kanyang palad
nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
dayuhan ay nahalina
bayan ko binihag ka
nasadlak sa dusa.

Sa Intro ng musika ay papasok si Buboy habang ipinapakita sa manonood kung gaano kabigat ang kanyang pinapasan. Kasabay niyang papasok si Mar sa kabilang bahagi ng entablado.

Lilikha si Mar ng masining na koryograpi, mabagal sa simula at unti unting bibilis. Magtatagpo si Mar at Buboy sa gitna ng entablado. Malulugmok si Buboy. Sasabay ng ikot si Mar. Nahihirapang iikot si Buboy at at makikibaka sa bigat patungo sa kanyang pwesto sa kanang bahagi ng entablado.

Si Mar ay magsisimula na ng kanyang routine sa pagputol ng mga espasyo.

Humming ang musika sa bahaging ito:

Papasok ang tula ni Buboy.
Si Mar naman ay bibigyan ng angkop na galaw ang linya ng tula.

Manalangin tayo

Sa ngalan ng espiritu ng ama na nasa anak
Manalangin tayong walang piket,
walang rali, walang demonstrasyon.

Walang kontra sa pagtaas ng presyo
walang kontra sa mababang sahod
walang kontra sa iskwater na sinusunog
walang kontra sa dukot
walang kontra sa tortyur
walang kontra sa korapsyon
walang kontra sa pork barrel
walang kontra sa gubyerno
walang kontra sa pagdami ng desaparecidos

Sa bahaging ito ay nakapagpalit na ng posisiyon si Buboy at Mar. Si Buboy ay nasa gitna ng entablado hawak ang berdeng tela. Si mar ay nasa kanag bahagi ng entablado.

Hudyat kina Myke at Dada upang ipasok ang Koro ng kanta:

Ibon man may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
bayan pa kayang sakdal dilag
ang di magnasang makaalpas
Pilipinas kong minumutya
pugad ng luha at dalita aking adhika
makita kang sakdal laya.

Humming uli ang musika dito.

Magpapatuloy ang tula ni Buboy at galaw ni Mar.

Manalangin tayo.
Manalangin tayong hindi pa tayo
ang susunod na mawawala
kung hindi'y malilito ang mga kandila
kung saan itututlos sa darating
na todos los santos.

Iyan ang ating panalangin sa mga inapo ni Napoles
mga buwayang mahilig kumain ng biik!

Iyan ang ating panalangin habang binabagtas
ang tuwid na daan (kuno) akda ng
mahilig lumamon ng baboy!

Uurong si Buboy upang bigyang puwang ang malalaking galaw ni Mar. Habang muling kakanta si Myke at Dada kasabay na ngayon ni Buboy.

Awit:
Ibon man may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
bayan pa kayang sakdal dilag
ang di magnasang makaalpas

(Magtatali si Buboy ng berdeng tela sa kanyang ulo).

Pilipinas kong minumutya
pugad ng luha at dalita aking adhika
makita kang sakdal laya.

Lilika ng tableau ang lahat. Kani-kanyang stance ng pakikibaka.


Wakas. Bowing.